Pumunta sa nilalaman

Pagsasalin

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
(Idinirekta mula sa Pagsasalinwika)
Para sa ibang gamit, tingnan ang salin (paglilinaw).
Nagkokomisyon si Haring Carlos V ang Matalino ng salinwika ng gawa ni Aristoteles. Ipinapakita sa unang parisukat ang utos na magsalinwika; sa ikalawang parisukat, ang pagsasalinwika. Ipinapakita ng ikatlo at ikaapat na parisukat ang pagdadala at paghaharap ng nagawang salinwika sa Hari.

Ang pagsasalin ay paglilipat-diwa sa pinakanatural na paraan ng pagwiwika ng mga pinaglalaanang mambabasa, manonood, o manlilikha (Buban, 2020). Ang salitang-ugat nito na "salin" ay salitang Javanese na nangangahulugan sa Ingles na "to shift," "to transfer," o "to change." Ito ay muling paglikha ng isang akda o tekso mula sa simulaang lengguwahe (SL) patungo sa tunguhang lengguwahe (TL). Sa tala ni Schopenhauer (2015), "Walang angkop na katumbas sa isa pang wika ang bawat salita sa isang wika. Kayâ’t hindi lahat ng dalumat o konsepto na naipahahayag sa pamamagitan ng mga salita sa isang wika ay katulad na katulad ng mga dalumat na naipahahayag ng mga salita sa isa pang wika."

Kung gayon, hindi lamang itinatampok ng tagasalin ang kultura ng pinagmulang teksto kung hindi itinatanghal din nito ang kultura ng tunguhang lengguwahe at binibigyang diin ang ugnayan ng dalawa sa muling paglikha ng isang akda.

Ibig sabihin, binibigyang buhay ng pagsasalin ang mga likhang maaaring ituring na "patay" sa ibang kultura sapagkat hindi nauunawaan ng iba. Sa pamamagitan ng pagsasalin, naaabot ng karamihan ang mga likha o obra ng mundo sa wikang nauunawaan nila, nagiging intelektuwalisado ang wika, at higit na nagiging malay ang mga tao sa wika, kultura, at tradisyon ng iba't ibang lahi sa buong mundo.

Ang pagsasalin[1] (pagsasalinwika)[2][3] ay ang gawain ng pagpapaunawa ng mga kahulugan ng panitik (teksto), at ng kinalabasang paglikha ng katumbas na teksto – na tinatawag na salinwika[2] – na naghahatid ng kaparehong mensahe na nasa ibang wika. Tinatawag na pinagmumulang teksto ang panitik na isasalin, samantalang ang patutunguhang wika ay tinatawag naman na puntiryang wika. Ang pinakaprodukto ay tinatawag na puntiryang teksto.

Isinasaisip sa pagsasalinwika ang mga limitasyon na kabilang ang diwa (konteksto), ang patakarang pambalarila (gramatika) ng dalawang wika, ang pamamaraan at gawi ng pagsulat sa dalawang wika, at ang kanilang mga wikain (kawikaan o idyoma). Isang karaniwang kamalian sa pagkakaintindi na may payak na paraan ng pakikipaugnayan ang bawat dalawang (ang literal na salin o pagtutumbas ng salita-sa-bawat-salita); at ang pagsasalin ay isang tuwiran at mekanikal na proseso. Sa pagtutumbas ng salita-sa-bawat-salita, hindi pinahahalagahan at hindi nabibigyan ng pansin at diin ang diwa, balarila, mga gawi, at kawikaan.

Puno ang pagsasalinwika ng mga kaipala (o posibilidad) ng pag-apaw ng mga wikain at paraan ng paggamit mula sa isang wika patungo sa isa, sapagkat kapwa wika ay nakasalalay sa nag-iisang utak ng tagapagsalin (o tagapagsalinwika)[2]. Madaling makasanhi ang pag-apaw na ito ng mga pinaghalong wika (ang mga haybrid) katulad ng "Prangles" (Pranses-Ingles), "Espanggles" (Kastila-Ingles), "Pogles" (Polaka-Ingles), "Portunyol" (Portuges-Kastila o Portuges-Espanyol), “Taglish” (Tagalog-Ingles), at “Englog” (Ingles-Tagalog).

Kasingtanda ng panitikan ang sining ng pagsasalinwika. Ang mga bahagi ng tulang-bayani ng mga Sumeryan – ang Epika ni Gilgamesh – na isa sa mga pinakamatandang mga akdang pampanitikan, ay natagpuan sa anyo ng mga salinwika na nasa iba’t ibang mga wikang Asyano (mga wikang ginagamit noong ikalawang milenyong BCE). Maaaring nabasa ng mga isinaung may-akda ng Bibliya at ng Iliad ang Epika ni Gilgamesh.[4]

Mga sanggunian

[baguhin | baguhin ang wikitext]
  1. Almario, Virgilio, pat. (2010). "pagsasalin, translation". UP Diksyonaryong Filipino (ika-2 (na) edisyon). UP-Sentro ng Wikang Filipino-Diliman – sa pamamagitan ni/ng Diksiyonaryo.ph.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 English, Leo James (1977). "Translation - salin, saling-wika, salinwika, traduksiyon, traslasyon, ihulog sa ibang wika, pagsasaibang wika; tagapagsalin, tagapagsalingwika at traduktor". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. De Guzman, Maria Odulio (1968). "Translate - ihulog o isalin sa ibang wika". The New Filipino-English / English-Filipino Dictionary. National Bookstore (Lungsod ng Mandaluyong) ISBN 9710817760.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. J.M. Cohen, "Translation," Encyclopedia Americana, 1986, vol. 27, p. 12.