Sunday, September 29, 2024

Ang Alamat ng Bagyo

12:44:00 AM 0 Comments

Noong unang panahon, sa isang malayong bayan na napapalibutan ng kabundukan, naninirahan ang 


isang batang nagngangalang Bagwis. Siya ay kilala sa buong bayan dahil sa kanyang kabaitan at pagiging mapagkalinga sa mga hayop at halaman sa kanilang paligid. Mahal na mahal siya ng mga tao dahil sa kanyang malasakit sa kalikasan.


Si Bagwis ay may kakaibang kakayahan—kaya niyang makipag-usap sa hangin. Sa tuwing humihip ang hangin, naririnig ni Bagwis ang mga kwento ng kalikasan, ang hinaing ng mga puno, at ang mga hiling ng mga hayop. Dahil dito, siya ang madalas na tagapamagitan ng kalikasan at ng mga tao.


Isang araw, isang napakalakas na init ang dumating sa kanilang bayan. Ang mga halaman ay natuyo, ang mga ilog ay bumabaw, at ang mga hayop ay nanghihina. Nangamba ang mga tao at humingi ng tulong kay Bagwis. “Bagwis, kausapin mo ang hangin. Kailangan nating malaman kung ano ang nangyayari,” pakiusap ng mga matatanda sa kanya.


Agad na sumama si Bagwis sa tuktok ng pinakamataas na bundok at tinawag ang hangin. "Hangin, ano ang kailangan namin gawin? Ang aming bayan ay nauuhaw at ang init ay masyado nang malupit."


Sumagot ang hangin, "Nais ng kalikasan na ikaw, Bagwis, ay magdala ng balanse sa bayan. Ngunit may kapalit—kailangan mong isakripisyo ang iyong sarili upang muling dumaloy ang ulan."


Nag-isip si Bagwis. Mahal niya ang bayan, ang mga halaman, at ang mga hayop. Kaya’t pumayag siya sa kahilingan ng kalikasan.


“Kung iyon ang kailangan upang iligtas ang lahat, handa akong magsakripisyo,” wika ni Bagwis nang buong tapang.


Nang sumapit ang hatinggabi, hinipan ng malakas na hangin si Bagwis at itinangay siya patungo sa kalangitan. Sa kanyang pag-akyat, nagdilim ang langit at nagsimulang mag-ipon ang mga ulap. Lumabas ang malalakas na kidlat at narinig ang umaalingawngaw na kulog. Mula kay Bagwis, isinilang ang unang bagyo.


Dahil sa bagyo, muling bumuhos ang ulan sa bayan. Ang mga ilog ay muling napuno, ang mga halaman ay bumalik sa kanilang dating sigla, at ang mga hayop ay nabuhay muli. Ang mga tao ay nagpasalamat sa sakripisyo ni Bagwis.


Simula noon, sa tuwing darating ang bagyo, naaalala ng mga tao si Bagwis—ang batang nagmahal at nagsakripisyo para sa bayan. At itinuro ng alamat na ang bagyo ay hindi dapat katakutan, kundi isang paalala na ang kalikasan ay kailangang respetuhin at alagaan, tulad ng ginawa ni Bagwis.


Mga Aral:

  • Ang kalikasan ay buhay—dapat itong pahalagahan at ingatan.
  • Ang sakripisyo at pagmamahal sa kapwa ay nagbibigay ng mas malaking kabutihan.
  • Huwag kalimutang magpasalamat sa mga biyayang dala ng kalikasan, kahit pa minsan ay dumadaan ito sa mga pagsubok.

Saturday, July 20, 2024

Ang Alamat ng Ibong Adarna

7:47:00 AM 0 Comments

Noong unang panahon, sa kaharian ng Berbanya, naninirahan ang mabait at makatarungang hari na si  Haring Fernando at ang kanyang reyna, si Reyna Valeriana. Sila'y may tatlong anak na lalaki: sina Don Pedro, Don Diego, at Don Juan. Ang kanilang kaharian ay puno ng kasaganaan at kapayapaan.

Isang araw, nagkasakit si Haring Fernando. Hindi magamot ng mga manggagamot ang kanyang karamdaman at labis itong ikinabahala ng buong kaharian. Sa gitna ng kanilang pag-aalala, isang matandang ermitanyo ang dumating sa palasyo at nagsabi, 


"Tanging ang awit ng Ibong Adarna lamang ang makakapagpagaling sa inyong hari." 

 

Agad na nagpasya ang tatlong prinsipe na hanapin ang mahiwagang ibon. Si Don Pedro, ang panganay, ang unang naglakbay. Lumipas ang mga buwan ngunit hindi siya nakabalik. Sumunod naman si Don Diego, ngunit tulad ng kanyang kapatid, siya rin ay nabigo at hindi nakabalik.


Sa kabila ng panganib, nagpasya si Don Juan, ang bunsong prinsipe, na hanapin ang Ibong Adarna. Habang naglalakbay, nakilala niya ang isang matandang ermitanyo na nagbigay sa kanya ng payo at mahika. 

"Sa Bundok Tabor mo matatagpuan ang Ibong Adarna. Gamitin mo ang mahiwagang lubid na ito upang hindi ka makatulog sa awit ng ibon."


Matapos ang mahabang paglalakbay, narating ni Don Juan ang Bundok Tabor. Sa puno ng Piedras Platas, nakita niya ang Ibong Adarna na kumakanta ng kanyang mahiwagang awit. Ginamit ni Don Juan ang mahiwagang lubid at napanatili niyang gising ang sarili habang pinagmamasdan ang pitong kulay ng balahibo ng ibon na nagbabago sa bawat pag-awit nito.


Matapos kumanta, ang ibon ay natulog. Agad na hinuli ni Don Juan ang Ibong Adarna at dinala pabalik sa kaharian ng Berbanya. Sa kanilang pagdating, agad kumanta ang ibon sa harap ni Haring Fernando at, sa isang himala, gumaling ang hari mula sa kanyang karamdaman.


Sa kabila ng tagumpay ni Don Juan, nagtanim ng inggit ang kanyang mga kapatid. Pinagtangkaan siyang saktan at iwanan sa gubat. Ngunit sa tulong ng mahiwagang ermitanyo, nakabalik si Don Juan sa palasyo at ipinakita ang tunay na kabutihan ng kanyang puso.


Sa huli, napatawad ni Haring Fernando ang kanyang dalawang nakatatandang anak at pinarangalan si Don Juan. Mula noon, naging simbolo ng katapangan, kabutihan, at pagmamahal sa pamilya si Don Juan, at ang alamat ng Ibong Adarna ay naipasa-pasa mula sa isang henerasyon hanggang sa susunod.

Saturday, November 21, 2020

Alamat ni Maria Makiling

4:20:00 AM 49 Comments

Sa lalawigan ng Laguna, naniniwala ang mga tao na sa bundok ng Makiling ay naninirahan ang isang


magandanga diwatang nag ngangalang Mariang Makiling. Ayon sa kwento  ng mga matatanda, ang Laguna ay pinamumunuan ng dalawang bathala, sina Dayang Makiling at Gat Panahon.


Ang mga bathalang ito raw ay mayroong magandang anak na dalaga na pinangalanan nilang Mariang Makiling. Dahil sa kanyang angking kagandahan at kabaitan, si Maria ay siyang tanging lakas at ligaya ng kanyang mga magulang.


Nang pumanaw ang kanyang mga magulang, kay Mariang Makiling naiwan ang pamumuno ng nasabing lalawigan.


Kaiba sa mga naunang mga bathala, si Mariang Makiling ay nagpapakita sa kanyang mga nasasakupan. Tuwing umaga ng tiyangge, bumababa siya sa bundok Makiling at nakikihalu-bilo sa mga taumbayan. Kasama ng dalawang katulong na mga katutubo, namimili sila ng mga kagamitan at ang ipinamamalit ay mga gintong piraso ng luya.


Totoong napakabuti niya sa mga mamamayan doon. Ang bundok na kanyang tinatahanan, na sagana sa mga gulay at bungang-kahoy ay bukas para sa ibig mamitas doon. Pati na ang mga ibon at hayup sa gubat ay siyang paraiso ng mga mangangaso.


Handa rin siyang tumulong sa mga nangangailangan. Tulad ng kanyang ina, namumudmod siya ng mga ginintuang luya sa bakuran ng mg taong nasa gipit na kalagayan.


Sa mga ikakasal, nagpapahiram siya o nagbibigay ng mga bagay na hindi nila makayang bilhin, tulad ng mga malasutlang damit pangkasal o mga kasangkapan para sa kasalan. Anupat napakabait ni Mariang Makiling sa kanyang mga nasasakupan.


Subalit dumating ang panahong ang mga tao ay waring nalimot na ang mga kabutihang ipinagkaloob sa kanila ni Mariang Makiling. Karamihan sa kanilay di man lamang marunong tumanaw ng utang na loob. Walang patumangga nilang inabuso ang kagubatan ng bundok Makiling sa pagkakaingin at sa pagpatay nang walang habas sa mga ibon at hayup na naninirahan doon.


Dahil dito, nagalit si Mariang Makiling at pinagbawalan na ang taong mangaso o mamitas ng mga gulay at prutas sa naturang bundok.


Sa anumang pagkakamali o pagsuway sa kanyang mga utos, pinadidilim niya ang kalangitan kaalinsabay ng dumaragundong na kulog at matatalim na kidlat at nagaalimpuyong bagyo.


At higit sa lahat, hindi na siya bumaba ng bundok Makiling para makisalamuha sa mga mamamayan doon.


Sa ngayon, ang tanging matatamis na alaala na lamang ng panahong si Mariang Makiling ay nagpapakita sa tao ang naiwan sa mga taumbayan ng Laguna.


Subalit may ilan pa rin ang nagsasabing, kapag kabilugan ng buwan, makikita raw ang isang napakagandang babaing may mahabat maitim na buhok at matamis na umaawit sa madawag na kagubatan ng bundok Makiling.

Akda and kwento ni : Jose P. Santos

Thursday, May 14, 2020

Alamat ng Langgam

8:23:00 AM 9 Comments
Sa isang malayong bayan ay may isang mag-anak na sobrang sipag. Mula ama hanggang sa ina at mga anak ay makikitang nagtatrabaho na sila pagsikat pa lang ng araw. Marami ang naiinggit sa samahan ng mag-anak dahil lahat ay nagtutulungan.

Ang kasipagan ng lahat ng miyembro ang dahilang kung kaya naman kapansin-pansin ang tuwina ay masagana nilang ani.

Sa kabila ng masaganang buhay ay hindi kinakitaan ng pagod ang mag-anak. Habang gumaganda ang kanilang kabuhayan ay lalo silang sumisipag.

"Sila ang gayahin ninyo para kayo umunlad," madalas ay payo ng matatanda sa iba.

Nagkaroon ng tag-gutom sa nasabing bayan. Pininsala ng labis na baha ang mga pananim. Karamihan sa mga taga-roon ay hindi nakapag-ipon ng makakain dahil nakuntento na lagi silang makapagtatanim.

Mabuti na lang at mabuti ang loob ng masisipag na mag-anak. Hinati nila sa mga kababayan ang mga pagkaing inipon nila.

"Walang masama na maging handa tayo sa mga panahong hindi inaasahan," anang ama ng pamilya. "Maging aral sana sa lahat ang pangyayaring ito."

"Napakayabang mo naman," wika ng isang lalaki na minasama ang narinig. "Nakapagbigay ka lang ng kaunti ay ang dami mong sinabi."

"Wala naman akong intensyong masama. Ibig ko lang pare-pareho tayong maging handa sa panahon ng pagsubok,"

"Ang sabihin mo ay mayabang ka dahil kailangan naming umasa sa inyo!" diin ng lalaki.

Natigil lamang ang diskusyon nang mamagitan ang isang matanda. Sinabi nito na mas kailangan nila ang magkasundo kaysa mag-away.

Hindi inakala ng lahat na magbubunga iyon ng trahedya. Nainsulto ang lalaki na dahil makitid ang isip ay binalak gumanti. Isang gabi ay sinunog nito ang bahay ng pamilya na humantong sa kamatayan ng mag-anak.

Nagluksa ang buong bayan.

Nanghinayang sila sa pagkawala ng pamilyang nagbukas sa isip nila sa halaga ng kasipagan.

Ilang buwan makaraang mailibing ang mag-anak, dalawang matanda ang dumalaw sa nasunog na bahay.

Agad ay napansin nilang ang isang grupo ng maliliit na insektong namamahay sa isang bahagi ng bakuran. Nakalinya ang mga ito at bawat isa ay may dalang butil na iniipon sa tirahan nila.


Nagkatinginan ang dalawang matanda. Alam nilang ang mga insektong iyon ay ang masisipag na mag-anak. Tinawag nila itong mga langgam.

Thursday, March 19, 2020

Alamat ng Bulkang Taal

4:59:00 PM 1 Comments
Mayroon isang Datu na bukod na maganda ang kanyang reputasyon, mabuti siyang pinuno, maayos at maganda ang pamamalakad sa kanyang nasasakupan. Datu Balinda ang tawag sa kanya. Ang kanyang balangay ay matatagpuan din ang balangay ng Batangan.

Isang anak na babae ang madalas pagtuunan ng Datu. Bukod sa kaisa-isa lamang, magigiliw ka sa taglay nitong katangian. Maganda, mayumi at mahinhin si Taalita at mapagmahal sa sariling tradisyon at kultura. Prinsesa Lita o Taalita ang tawag sa kanya, na ang kahulugan ay Taal sa Tagalog at puspos ng ugaling kinagisnan.

Masasabing si Prinsesa Taal ay mahahalintulad sa pausbong na bulaklak na wala pang nakakadapong bubuyog upang higuping ang tamis ng kanyang pagmamahal. Ang kanyang kutis ay sariwa at humahalimuyak.

Dahil ang tirahan nila ay malapit sa lawa, nakahiligan ng Prinsesa Taal ang mamangka pagmalapit
ng  lumubog ang araw sa Lawa ng Bunbon.

Mayroon isang pagkakataon, pagkatapos mamangka ay luhaang humarap si Prinsesa Taal sa kanyang ama na si Haring Balinda:

"Ama, mapatawad po sana ninyo ako. Mayroon po akong kasalanan na nagawa. Pagkagalit ay huwag mo sanang magawa."

"Anak, bakit ka umiiyak ano ba ang nagawa mong pagkakamali?"

"Mahal kong ama, nahulog po ang singsing ko sa lawa habang ako'y namamangka," sagot ni Prinsesa Taal, na animo'y nahihintakutan.

"Ano! Dapat ay naging maingat ka. Iyan na lamang ang bagay na nag-papaalala sa amin ng iyong ina sa aming pagmamahalan. Ilan ninuno na natin ang napasali-salin sa singsing na iyan. Saksi iyan ng aming sumpaang binigkis ng nasira mong ina."

"Alam ko pong napakahalaga ng singsing. Minahal at pinakaingat-ingatan ko ang singsing gaya ng pagmamahal ko sa aking ina," sagot ni Prinsesa Taal na lumuluha.

Lumuhod si Prinsesa Taal sa harap ng ama.

"Anak, tumayo ka at huwak ng lumuha. Naguguluhan lamang ako sa narinig kong balita mula sa iyo. Alam mo ba ang singsing na iyan ay ibinilin pa sa akin ng iyong ina bago siya namatay. Sinabi niya sa akin na ipagkaloob ko sa iyo tanda ng kanyang pagmamahal at pag-alala sa iyo"

"Tumahan na anak at ang pagkagalit ko'y kinalimutan ko na," paamong wika ng Datu.

Niyakap ng Datu si Taal, na halos mapaiyak sa sandaling iyon.

"Huwag ka ng mabalisa, hahanap tayo ng magagaling lumangoy upang sisisrin ang nahulog mong singsing." paliwanag ng Datu.

"Salamat ng marami po, Ama ko," ako po'y nagagalak sa pang-unawa ninyo."

Ilang sandali pa ang lumipas. "Anak, hindi ba dapat ika'y mag-asawa na. Nasa tamang edad ka na para lumagay sa tahimik. Matanda na rin ako at kailangan ko ang isang matapang na Datu na siyang hahalili sa akin. Kailangan mo rin ng makakasama pag ako'y lumisan na," pakiusap ng Datu.

"Siya pong mangyayari Ama ko," Sagot ng Prinsesa.

Nagpaanunsyo kaagad ang Datu saan mang dako upang ipahayag ang kanyang nilalayon. Ipinaalam na kung sino ang makakakuha sa singsing ang nahulog sa sa Lawa ng Bunbon ay siyang mapapangasawa ng mayuming prinsesa. Ang balitang ito ay agad kumalat saan mang dako ng kapuluan. Maraming dugong bughaw ang dumating mula sa iba't ibang lugar. Kasama rito ang mga Morong Datu Myla sa Jolo at Tawi-tawi. Hindi rin nagpahuli ang angkan ni Bukaneg mula sa Kabisayaan at Kabikulan. Hindi rin nagpadaig ang Kapampangan at dumating si Dau Pisot upang subukan ang kapalaran. Sa sinamang palad walang sinuman ang nagtagumpay upang maibalik ang singsing ng prinsesa.

Marami ang araw ang lumipas sa paghihintay ng mag-ama. Pagkainip ang kanilang naramdaman.

Di kalaunan may isang Datu, ang humingi ng tulong sa mga anito. Panalangin tulungan siyang masisid ang nawawalang singsing mula sa Prinsesa. Datu Mulawin ang ngalan ng laslaki at nagmula siya sa Nasugbo.

Matiyaga niyang nilusong ang Lawa ng Bunbon. Mula umaga hanggang hapon. Walang tigil sa paglangoy.

Habang sa pagsisisid ni Datu Mulawin ay may nahuli siyang buteteng laot na malaki ang tiyan.Nagtaka ang lalaki dahil sa maliit na butete ay malaki na agad ang tiyan nito. Ginwa niyang hiwain ang tiyan nito upang malaman ang laman. Ngunit laking gulat niya ng matagpuan doon ang nawawalang sinsing ng Prinsesa.

"Isang himala ito!" laking tuwa ni Datu Mulawin. "Ito kaya ang tugon sa panalangin ko at magandang hangarin sa Prinsesa Taal?."

Kaya't ang pangako ng Pinunong Datu ay nangyari. Agad ipinakasal si Prinsesa Taal kay Mulawin. Nagdiwang ang buong balangay. Mayroon sayawan at kantahan, lahat maligaya sa nangyaring okasyon. Ang pagsasama ng mag-asawa ay nasaksihan ng boung balangay ang magagandang pamamalakad ni Datu Mulawin at masayang masaya si Prinsesa Taal sa piling ng asawa.

Subali't ang pagsasama ay hindi lagi masaya. Madalas ay may problema ring dumadating na siyang nagiging balakid sa pagsasama.

Isang gabi, Maliwanag ang sikat ng buwan, namasyal ang mag-asawa. Ang gabing iyon ang simula ng gulo sa kanilang pagsasama.

Mayroon isang matandang nuno pala an gang nagmamay-ari ng Lawa ng Bunbon. Matagal niyang sinusubaybayan ang takbo at pangyayari sa palasyo masayang pagsasama ni Datu Mulawin at Prinsesa Taal. Ang matandang nuno pala ay ay naiinggit sa sarap ng buhay sa palasyo at masayang pagsasama ng mag-asawa.

Nang gabi ring iyon ay namangka ang mag-asawa sa lawa. Habang sumasagwan si Datu Mulawin, siya naming kumakanta ang Prinsesa kasabay ang tugtog ng kumintang.

Nang Makita ng Prinsesa ang magandang bulaklak ng lotus, dahil nabighani ito, pilit niyang inabot. Sa kasamaang-palad ang prinsesa ay nahulog at lumubog. Bilis naman tinalon ni Datu Mulawin ang asawa upang sagipin. Subalit, kapwa sila lumubog. Lumubog sila dahil sa kapangyarihan ng matandang nuno na binalak silang mapinsala.

Ang mga alipin na nakakita sa pangyayari ay agad ibinalita sa tagaroon. Marami ang nagtangkang sisirin ang dalawa upang Makita ang bangkay. Ngunit nabigo silang lahat.

Mula noon, may isang pulo ang lumitaw sa gitna ng Lawa Bunbon. Ang tawag nila rito ay Bulkan Taal. Pangalang ibinigay ng Datung pumalit kay Mulawin. Tanda na rin ito para laging maalala si Datu Mulawin at Prinsesa Taal.

Thursday, August 1, 2019

Alamat ng Alitaptap

2:17:00 PM 0 Comments

Unang Bersyon:

Noong unang panahon, ang mga alitaptap ay maliliit na kulisap lamang. Ang mga kulisap na iyon ay walang dala-dalang apoy. Nguni’t ito ring mga kulisap na ito ang tinatawag natin ngayong ALITAPTAP. Bakit kaya sila ngayon ay may dal-dalang apoy na kikisap-kisap?

Gaya rin ng mga alitaptap ngayon, ang mga kulisap noong unang panahon ay gabi lamang kung lumipad. Naguni’t ayaw na ayaw nila ng mga gabing madilim. Ang ibig nila ay mga gabing maliwanag ang buwan. Kapag madilim ang gabi ay nagtatago sila sa mga damo. Nagtatago sila sa mga dahon at sa mga bulaklak. Sila ay takut na takot. Bakit kaya?

Isang gabing madilim, walang malamang pagtaguan ang mga kulisap na iyon. Nakakita sila ng isang punong sampaguita. Ang ilan sa kanila ay nagkubli sa nga bukong bulaklak nito. Mayroon namang nagkubli sa mga talulot.

“Bakit ba?” ang tanong ng sampaguita. “Bakit ba kayo nagtatago? Bakit ba kayo takot na takot?
Kayo ba ay natatakot sa dilim?”

“Hindi kami sa dilim natatakot,” ang sagot ng isang kulisap.

“At saan?” ang tanong ng sampaguita.

“Sa mga kabag-kabag,” ang sagot ng maraming kulisap.

“Bakit kayo natatakot sa mga kabag-kabag?” ang tanong ng sampaguita. “Inaano b akayo ng mga kabag-kabag?”

“Kami’y kinakain nila,” ang sabi ng mga kulisap. “Kapag kami ay nakita nila ay hinuhuli kami at iyon na ang katapusan ng aming buhay.”

“Masama naman ang ginagawa sa inyo ng mga kabag-kabag,” ang wika ng sampaguita.
“Biruin mo, kay rami ng mga kabag-kabag,” ang sabi ng isang kulisap. “Kaya kami ay pakaunti nang pakaunti.”

“Mauubos nga kayo kung ganyan, kaawaawa naman kayo" ang wika ng sampaguita.

“Hindi nga namin malaman kung ano ang aming gagawin,” Ang wika ng mga kulisap.

“Eh, bakit kung maliwanag ang gabi ay hindi kayo nagkukubli sa aking puno?” ang tanong ng sampaguita.

“Kung maliwanag ang buwan ay mahirap kaming mahuli ng mga kabag-kabag,” ang sagot ng isang kulisap.

 “Hindi makakita sa liwanag ang mga kabag-kabag,” ang dugtong ng isang kulisap.

“Sila ay nasisilaw sa liwanag,” ang dugtong pang uli ng isang kulisap.

“Ganoon pala. Hindi pala makakita sa liwanag, tuturuan ko kayo kung ano dapat ninyong gawin.” ang sabi ng sampaguita. “

“Ano ba? Ano ba ang dapat naming gawin?” ang tanong ng bawa’t kulisap.

“Bawa’t isa sa inyo ay magdala ng apoy, “Pagkatapos ay magsabay-sabay kayong lumabas. Matatakot sila sa inyo. Hindi nila kayo malalapitan” ang sabi ng sampaguita.

“Oo nga, siya nga!” ang sabay-sabay na sabi ng ilang kulisap.

Ganoon na nga ang ginawa ng mga kulisap. Isang gabing madilim, ang bawa’t isa sa kanila ay nagdala ng apoy, pagkatapos ay nagsabay-sabay silang lumabas. Naku! Para silang alipatong lumilipad. Hindi nga naman sila malapitan ng mga kabag-kabag.

Anong tuwa ng mga kulisap. Lumipad sila nang paikut-ikot sa punong sampaguita.

“Salamat sa iyo, Sampaguita. Kami ngayon ay malaya na.”

Mula na noon tuwing lalabas ang mga kulisap pag madilim ang gabi nagdadala sila ng apoy. Ang mga kulisap na iyon din ang tinatawag ngayong “ALITAPTAP.”

Pangalawang Bersyon:

Ilang libong taon na ang nakakaraan nang magkaroon ng matinding tagtuyot sa mundo. Ang mga pananim ay nanuyot at nasira at pati na rin ang mga alagang hayop ay nagkasakit at namatay. Walang ulan at ang mga ilog ay natuyo na rin dahil sa init ng sikat ng araw.

Taimtim na nagdasal ang mga tao upang magkaroon ng ulan. Sumayaw-sayaw sila at nag-alay ng kung anu-anong sakripisyo ngunit walang ulang bumagsak maski ulap ay walang nabuo. Mas lalo pa ngang tumindi ang sikat ng araw.

Nawawalan na ng pag-asa ang mga taombayan nang dumating ang isang mahiwagang mag-asawa, si Bul-an at si Bitu-in. Ayon sa mag-asawa, narinig ni Bathala ang kanilang mga panalangin at ipinadala sila upang tulungan ang mga taombayan. Di nga naglaon ay dahan-dahan pumatak ang ulan at hindi ito tumigil hanggang sa napawi ang pinsalang dulot ng tagtuyot.

Naging mas masagana ang mga pananim at ang mga alagang hayop ay naging mas malulusog. Dahil dito, itinakda ng mga taombayan ang mag-asawa na kanilang mga pinuno. Pinaunlakan naman ni Bul-an at Bitu-in ang nais ng taombayan. Naging mabuti silang mga pinuno at umasenso ang nasabing bayan.

Mayroong anak ang mag-asawa, ito ay si Alitaptap. May malaking bituin na naka-ukit sa noo ni Alitaptap; ito ay nagpapatunay na siya ay di pangkaraniwang nilalang. Marami ang nagnais na makuha ang kamay ng dalaga upang mapangasawa. Maging ang kanyang ama ay pinipilit si Alitaptap na pumili na ng mapapangasawa upang sa ganoon ay magkaroon sila ng mga anak na magiging makikisig mandirigma. Ngunit matigas ang puso ng dalaga at ayaw nitong magpakasal sa kahit sino. Wala raw itong nararamdaman na kahit ano. Marahil ito ay dahil nga sa hindi tao ang dalaga.

Isang araw, isang manghuhula ang nagsabi kay Bul-an na masasakop ang kanilang bayan sa hinaharap kung hindi makakapangasawa si Alitaptap at hindi magkaka-anak ng lalaki. Ipinatawag ni Bul-an ang anak at pinagsabihang kinakailangan na nitong magpakasal sa lalong madaling panahon. Ngunit si Alitaptap ay walang nararamdamang maski anong emosyon kung kaya’t ayaw pa rin nitong magpakasal.

Nagalit ang kanyang ama ngunit maski anong gawin nitong pilit ay wala pa ring imik si Alitaptap. Napuno ang galit ni Bul-an. Kinuha niya ang kanyang tabak at hindi nakapagpigil ay hinampas niya ang kanyang anak. Tumama ang tabak sa malaking bituin sa noo ng dalaga at nabasag ito sa libu-libong piraso. Samantala, wala ng buhay ng bumagsak ang dalaga sa sahig. Ang mga munting makinang na piraso ng bituin sa noo ni Alitaptap ay unti-unting nagkaroon ng buhay; lumipad at nilisan ng mga ito ang palasyo. Ang mga ito ay ang tinatawag natin ngayon na mga Alitaptap.

Nagkatotoo ang naging hula at dahil sa walang mandirigma ang naipanganak mula kay Alitaptap ay nasakop ang kanilang bayan at natapos ang pamumuno ni Bul-an at Bitu-in.

Sunday, July 7, 2019

Alamat ng Buwaya

2:21:00 AM 4 Comments
Noong unang panahon ay may isang babaeng nabubuhay na wala nang ginawa kundi ang kumain
nang kumain at likumin ang kayamanan ng mga tao. Inuubos niya ang mga ani, salapi at ginto ng mga tao sa bawat nayong kanyang pinupuntahan. Nagagawa niya iyon sa pamamagitan ng pagbabalatkayo bilang isang pulubi. Pagkatapos niyon ay tuwang-tuwang iiwan niya ang lugar. At bago pa may makatuklas sa ginawa niya ay huli na ang lahat. Naghihirap at nagkakasakit na ang mga tao.

Isang nayon na lamang ang hindi pa niya napupuntahan. Matatagpuan iyon sa kabilang bundok. Tahimik na nagtungo siya roon dala ang saku-sakong kayamanang nalikom niya sa mga nayong napuntahan na niya.

Sa gubat na malapit sa isang lawa ay nagtayo siya ng kubo. Doon niya iniba ang kanyang anyo : pinalitan niya ang kanyang damit, nagsuot siya ng peluka at dinungisan niya ang katawan para magmukha siyang pulubi. Nag-iba rin siya ng pangalan. "Aling Aya" ang pakilala niya sa mga tagaroon.

Tuwing umaga ay naglalagi siya sa harap ng simbahan upang mamalimos. Umiiyak siya upang maawa sa kanya ang mga tao. "Maawa na po kayo...Tatlong araw na po akong hindi kumakain..."

Dala ng awa, lahat ng napapadaan sa simbahan ay nagbibigay ng limos kay Aya.

Pagsikat ng araw, muling lalabas at mamamalimos si Aya. Nagtutungo siya sa mga kabahayan upang humingi ng pagkain, pera at kung anu-ano pa. Sa husay niya sa paghikayat at sa pag-iyak, napapaniwala niya ang lahat na siya ay isang pulubi.

Sari-saring kuwento ang hinahabi niya para makuha ang mga kayamanan ng mga taganayon: "Maawa ka na. Isa sa aking mga anak ang malubha ang sakit. Kailangan ko ng gamot.." sabi niya sa isa. "Hindi pa ako kumakain, ineng. Baka puwedeng bigyan mo ako ng kinakain mo kahit kaunti lang?" pagmamakaawa naman niya sa isa. "Hinipan ng nakaraang bagyo ang aking nag-iisang kubo. Palabuy-laboy ako at wala na akong matirhan," kuwento niya sa isa pa. Tumutulo ang kanyang huwad na luha.

Pati si Manong Kuwago na kanyang nadaanan isang gabi sa itaas ng puno sa plaza ay kanyang hiningan ng limos. Muli, bumuhos ang luha niya sa harap ng ibon para maawa ito sa kanya.

"Manong Kuwago, maawa ka sa isang kagaya kong nauubusan na ng lakas..."

Kahit gutom si Manong Kuwago ay nagawa nitong ibigay ang isdang tangan nito. "Maghahanap na lang ako ng mahahapunan. May pakpak ako at kaya kong maghanap pa ng makakain." Pagkabigay nito ng kakainin na lamang na isda ay lumipad na ito. Napangisi si Aya. Nakaloko na naman ako, sabi niya sa isip.

Nang gabi ring iyon, habang kumakain ng bayabas si Manong Kuwago sa itaas ng isang puno sa gubat ay namataan niya si Aya na naglalakad na nang tuwid ang babaeng "pulubi." Isa-isang tinatanggal nito ang gula-gulanit na damit, ang dumi sa mukha at ang peluka. Sinundan niya si Aya patungo sa kubo nito. Doon niya natuklasan ang lihim nito. Nakita niya ang tunay na anyo nito, pati na ang kaban-kabang pera at kayamanang nalikom nito. Nakangisi ito habang kinakausap nito ang sarili.

"Mapapasaakin ang lahat ng kayamanan nila. Mga hangal sila. Napakahusay ko talaga. 'Pag naubos ko na lahat ang kanilang kayamanan, lalayas ako sa lugar na ito at magbubuhay-reyna."

Kinaumagan, mabilis na ibinalita ni Manong Kuwago ang kanyang nakita sa mga taganayon.

"Maniwala kayo sa akin. Huwag ninyong hintaying maubos ang kayamanan ng bayang ito dahil sa masamang ugali ni Aya."

Pero iniwan lang siya ng mga tao. Ni isa ay walang naniwala sa kanya.

Hanggang sa magsimulang maubos ang mga pera, ginto at pagkain ng mga taganayon. Ang ilan sa mga bata ay nagkasakit dahil sa kakulangan sa pagkain at pera.

Awang-awa si Manong Kuwago sa kanyang nakikita.

Isang araw, habang patuloy sa pamamalimos si Aya sa plaza, dumating si Manong Kuwago.

"Patutunayan ko sa inyong isang huwad si Aya! Na hindi siya pulubi at nagbabalatkayo lamang!" 

Lumipad siya at tinanggal ang peluka ni Aya. Pinagtatanggal niya ang gula-gulanit na damit nito. Tumambad ang mga alahas na nakasabit sa katawan nito. Pinagpapagpag niya ng kanyang pakpak ang mga dumi sa mukha nito hanggang sa lumitaw ang tunay na anyo nito.

Walang nagawa si Aya.

Nagulat ang lahat. "Sino ka?! Sino ka?!" sigaw ng isang taganayon.

"Uubusin niya ang kayamanan natin, pagkatapos ay aalis siya. Ganyang din ang ginawa niya sa mga karatig-nayon!"

Nagawang tumakbo ni Aya bago pa siya malapitan ng mga tao. Hanggang marating niya ang kanyang
kubo. Dagling kinuha niya ang saku-sakong kayamanan at mabilis na nilisan ang kubo.

Nilusong ni Aya ang lawa. Nang makarating siya sa gitna at nakita niyang napapaligiran siya ng mga tao, isinubo niya sa isa-isa ang laman ng mga sako: ang mga pagkain, pera, ginto at kung anu-ano pa. Hanggang sa lumaki nang lumaki ang bibig niya at nabundat siya. Ngunit wala siyang pakialam dahil sadyang sakim siya.

Unti-unti ay lumubog ang kanyang katawan. Walang nagawa ang mga tao kundi ang mamangha sa ginawa niya. Dahil sa bigat niya, nilamon siya ng lawa. Bumula ang tubig hanggang sa magtining iyon.

Nagulat ang mga tao nang ilang sandali lamang ay isang buntot na malaki na may napakakapal na balat ang lumitaw sa lawa at bigla ring lumubog. Nagtakbuhan ang mga tao sa takot.

Mula noon, muling nanumbalik ang katahimikan sa nayon. Pero hindi na dumayo ang mga tao sa lawang iyon. May nagsasabing may isang hayop na nagpapakita sa lawa-dambuhala, malaki ang bibig at may matutulis at matatalim na ngipin. Magaspang ang balat niyon, may mahabang buntot at mistulang sa halimaw ang anyo. Minsan daw ay gumagapang iyon sa pampang. Kaya takot na ang mga taong magawi sa lawang iyon na tinawag ng mga taganayong "Lawa ni Aya."

Lumipas ang maraming taon, nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga tao ang kuwento ni Aya: "Si Aya sa Lawa." Kinalaunan, umikli na lamang iyon at naging "buwaya."


Kaya sa susunod na makakita kayo ng buwaya, huwag kayong maniwala sa kanyang mga luha. Sadya lamang lumuluha iyon pero walang lungkot na nararamdaman. Higit sa lahat, huwag lalapitan iyon dahil ang buwaya ay isang mabangis na hayop.